Ngayon ay ikasampung araw ng ikasampung buwan ng dalawang libo't sampu sa panahon ng ating Panginoon. Perpekto daw ang araw na ito. Iyan ay kung naniniwala ka sa numerology.
Bagamat hindi naman naniniwala, mabuti nang maging positibo at wala namang mawawala. At dahil mahilig ako sa kasaysayan, ayaw kong masayang ang araw ng wala akong ginagawang blog ukol dito. Ginaya ko na lang si David Letterman, una dahil hindi ko mapiga ang "creative juices" ko at ang pinakaimportanteng dahilan: oras ng trabaho. Halina't basahin ang sampung nakakaaliw na bagay at pangyayari na may kinalaman sa bilang na sampu:
10. Ang bilang ng titik na ginamit sa paboritong Snellen Chart.
9. Counting numbers. Sampu din ang daliri natin sa kamay at paa (puedeng kumanta kung di ka sigurado). Ang binary system na gumagamit ng 1 at 0. Para sa kaalaman ng lahat ang 101010 ay katumbas ng 42 sa sistemang Hindu-Arabic.
8. Kapag swabe ang dakdak sa basketball, itataas ito ng hurado ang plaka na may logo ng Sprite. Iyan din ang sukat ng busluan at ang bilang ng manlalaro sa loob ng court.
7. Sa Miss Unibers, alam mo na ang resulta kapag binigyan si Miss ng ganitong iskor. At sa kalye, ito ang kartada ng pinakamagandang tsik na dumadaan.
6. Sa IT naman, dito nagsisimula ang private IP addresses. Ito yung pinapalitan mo kapag nais mong ma-browse ang mga blocked sites.
5. Bilang ng code sa radyo. 10.4 ang kalimitang narinig nung hostage taking sa Quirino Grandstand. (puede ding 10.1 o 10.10)
4. Ang pamagat ng unang studio album ng bandang Pearl Jam. Hinango ito sa manlalaro ng Atlanta Hawks na si Mookie Blaylock. Hanggang ngayon ay pinakamatagumpay na album nila ito.
3. Bilang ng halimaw na lumalabas sa Omnitrix ni Ben10
2. Sa larong blackjack, lahat ng tao (J,Q,K) ay katumbas nito.
1. Ang binigay na utos ng Panginoon kay Pareng Moses (di na nga masunod, tapos ang dami pang ginagawang batas ng mga pesteng pulitiko)
Bilang pangwakas, isang siglo pa uli bago maulit ang 10-10-10. Lusaw na ang planetang Earth at malamang-lamang hindi na blog ang uso nun. Kung may daragdag ka pa, huwag na lang. Mas mainam pa na magsuot ka na lang ng pula o magpaturo ka muna magbilang kay Count von Count.
P.S. Isinulat habang nakikinig ng kantang Perpekto mula sa Flipino album ni Dong Abay.